dzme1530.ph

PINASALA SA AGRICULTURAL INFRASTRUCTURE BUNSOD NG MGA PAG-ULAN MAGIGING BANTA SA SUPLAY NG PAGKAIN SA BANSA, AYON SA ISANG SENADOR

Loading

IBINABALA ni Senador Kiko Pangilinan na magiging banta sa supply sa pagkain ng bansa at sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda kung hindi agad maaaksyunan ang mga napinsalang agricultural infrastructure dahil sa sunod-sunod na malalakas na pag-ulan dulot ng habagat at bagyo.
 
Nanawagan din ang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform para sa agarang pagkumpuni at pagsasaayos sa mga nasirang kalsada, tulad at irrigation system.
 
Iginiit ni Pangilinan na kailangang agarang kumilos ang pamahalaan para maisaayos at maibalik ang mga mahahalagang farm-to-market roads, irrigation, mechanization at dryer facilities para makabalik ang mga magsasaka sa kanilang sakahan, maibiyahe ang kanilang mga ani at makapaghanda sa susunod na pagtatanim.
 
Hindi anya ganap na makakabangon ang agricultural production kung hindi maibiyahe ng mga magsasaka patungo sa mga palengke ang kanilang mga produktong agrikultural.
 
Kaya nanawagan si Pangilinan sa Department of Public Works and Highways, Department of Agriculture, National Irrigation Administration at mga lokal na pamahalaan na agad magsagawa ng assessment sa pinsala sa agricultural infrastructure at bigyang priyoridad ang pagkukumpuni at pagsasaayos sa mga matinding napinsalang farming communities.
 
Umapela rin ang senador sa agarang pag-iisyu ng pondo at tamang paggamit nito sa rehabilitasyon at repair ng mga napinsalang agricultural infrastructure.

About The Author