dzme1530.ph

AGRICULTURE SECRETARY KIKO TIU-LAUREL, HINAMONG ILABAS ANG TAPANG LABAN SA MGA MANIPULATORS AT SMUGGLERS NG KARNENG BABOY

Loading

HINIMOK ni Senate Majority Leader Migz Zubiri si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na matapang na labanan ang mga manipulators at smugglers ng karneng baboy gayundin ang sobra-sobrang importasyon ng karne.
 
Pinagsabihan ni Zubiri ang kalihim sa gitna ng budget hearing, ilabas ng kalihim ang kanyang galit laban sa predatory pricing at huwag matakot na labanan ang mga smugglers.
 
Sinabi naman ni Laurel na pansamantala ay puwede niyang suspendihin ang importasyon ng kasim, pigue, at belly sa loob ng 60 araw o patigilin muna ang pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC).
 
Ito ay sa kabila ng pagkabahala ng senador dahil libo-libong mga backyard hog raisers ang hirap sa pagbagsak ng farmgate prices gayong patuloy na nagbabayad ng mataas na presyo ang mga consumers sa merkado.
 
Hinimok naman ni Zubiri ang DA Secretary na magpakita ng malakas na pamumuno sa pamamagitan ng regular na public market inspections at visible enforcement lalo na laban sa abusadong pagtataas ng presyo.
 
Tinukoy ni Zubiri na 20% ng mga pork producers ay malalaking kumpanya habang 80% ay mga maliliit na backyard farmers na ikinakabahalang tuluyang malugi.
 
Mula sa farmgate price na ₱186 kada kilo noong 2024 ay bumaba pa ito sa ₱90 hanggang ₱120 kada kilo ngayong taon gayong ang production costs o gastos sa produksyon ay tinatayang nasa ₱130 hanggang ₱140 per kilo kaya napipilitang mag-operate ng palugi ang maraming maliliit na producers.

About The Author