dzme1530.ph

DSWD, PINAKIKILOS LABAN SA ANIM NA MILYONG PEKENG PWD IDs

Loading

PINAKIKILOS ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensya ng gobyerno laban sa nagkalat na mga pekeng Persons With Disabilities o PWD IDs.
 
Sa pagdinig sa panukalang budget ng DSWD, sinabi ni Tulfo na batay sa report ng Department of Justice, anim na milyon sa walong milyong PWD IDs ang peke at nagagamit upang mag avail ng 20 percent discount sa mga produkto at serbisyo.
 
Tinawag din niyang inutil ang National Council on Disability Affairs dahil walang nagagawa sa mga pekeng IDs.
 
Inihayag ni Tulfo na batay sa research ng kanilang tanggapan, may mga accounts sa carousel at Facebook ang nag-aalok ng PWD assistance at nagbebenta ng ID sa halagang P1,000 hanggang P13,000.
 
Inilabas din ni Tulfo ang video kung saan sinasabi ni David Sison, pangulo ng Resto PH, na matapos ang pandemya kapansin-pansin na maraming gumagamit ng PWD ID tulad ng isang pamilya na ang tatay, nanay, anak gayundin ang yaya ay may mga ID.
 
May mga lehitimo namang ID na hawak ng mga hindi karapat-dapat na gumamit.
 
May impormasyon din na may isang indibidwal na mayroon lamang sinusitis at may isang basketball player na nabalian ang pinabigyan ng kanilamg doktor ng permanent PWD ID.
 
Sinabi ni Tulfo na dahil sa modus na ito ay aabot sa P88 billion ang buwis na nawawala sa koleksyon ng gobyerno.
 
Nilinaw naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na dahil sa devolution ay nasa kamay na ng mga lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng mga PWD ID.
 
Isinusulong din anya nila na magkaroon na ng unified ID o digital ID na may qr code para sa mga PWD.

About The Author