![]()
HINDI kinatigan ng Impeachment Court ang request ng prosecution para sa admission ni Vice President Sara Duterte sa mga bank at BIR records na ihaharap sa impeachment trial laban sa kanya.
Sinabi ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero sa kanyang ruling na hindi maaaring gamitin ang Rule 26 ng Revised Rules of Civil Procedure upang kilalanin ng respondent ang mga dokumento dahil maaaring lumabag ito sa kanyang rights against self-incrimination sa ilalim ng Article III, Section 17 ng Konstitusyon.
Sinabi ng korte na kung papayagang ipasagot ang Request for Admission, ang mga sagot ay maaaring maging paraan upang mapilit ang respondent na tumestigo laban sa kanyang sarili.
Binigyang-diin din ng korte na hindi maaaring ilipat ng prosecution sa respondent ang burden of proof sa pamamagitan lamang ng Request for Admission.
Tungkulin anya ng prosecution na patunayan ang mga alegasyon gamit ang competent evidence, habang dapat mabigyan ang respondent ng patas na pagkakataong kontrahin ang ebidensya.
Bagama’t sinabi ng prosecution na handa itong bawiin ang Request for Admission at sa halip ay humingi ng stipulations, ipinaliwanag ng korte na ang stipulations ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng magkabilang panig at hindi maaaring ipilit ng korte.
Sa kabilang dako, iginiit ni Escudero na mananatili sa record ang Request for Admission at ang objection dito.
Sa kabuuan, sinabi ng korte na anumang hakbang para mapabilis ang impeachment trial ay hindi maaaring manaig sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon, partikular ang karapatan laban sa self-incrimination.
