dzme1530.ph

ALAMIN KUNG ANO ANG SANHI NG CANKER SORE O SINGAW

Loading

 Naranasan ka na ba ng masakit na singaw sa loob ng bibig na nagpapahirap sa pagkain, pag-inom at pagsasalita? Ito ay kilala bilang canker sore.
 
Ang canker sore ay isang maliit, bilog o oval na sugat na karaniwang lumalabas sa loob ng pisngi, labi, dila at gilagid. Kadalasan, maputi o dilaw ang gitna nito at napalilibutan ng mapula at namamagang bahagi.
 
Hindi ito nakakahawa at iba sa cold sores na dulot ng Herpes Simplex Virus.
 
Ilan sa mga posibleng sanhi nito ay aksidenteng pagkakakagat sa pisngi o dila, pagkakasugat dahil sa toothbrush o braces, stress, pagbabago sa hormones at pagkakulang sa ilang nutrients gaya ng Vitamin B12, folate at iron.
 
May mga pagkain din na maaaring magpalala ng iritasyon, gaya ng maanghang, maasim at sobrang maalat na pagkain.
 
Karamihan sa mga canker sores ay gumagaling nang kusa sa loob ng isa hanggang dalawang linggo nang hindi na kailangan ng espesyal na gamutan.
 
Upang maibsan ang pananakit, maaaring magmumog ng maligamgam na tubig na may asin, gumamit ng malambot na toothbrush at iwasan muna ang mga pagkain at inuming nakakaiirita sa sugat.
 
Maaari ring magrekomenda ang dentista o doktor ng mouthwash, pain-relieving gel o iba pang gamot upang mapabilis ang paghilom at maibsan ang hapdi.
 
Gayunman, pinapayuhang magpakonsulta kung ang singaw ay hindi gumagaling pagkatapos ng dalawang linggo, sobrang laki o madalas bumalik, may kasamang lagnat, o nagdudulot ng hirap sa pagkain at pag-inom.
 
Mahalagang matukoy ang sanhi ng paulit-ulit na singaw dahil maaari itong may kaugnayan sa kakulangan sa nutrisyon o iba pang kondisyong pangkalusugan. | via Dang Samson-Garcia, ME Radio TV
 
#MX3 #DitoAkoBilib #MERadioTV #DZMERadyoTV #1530khz

About The Author