![]()
IBINASURA ng Sandiganbayan Fifth Division ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada na kumukwestyon sa 90-day preventive suspension na ipinataw sa kanya kaugnay sa pagkakasangkot niya sa flood control scandal.
Sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses, binigyang-diin ng anti-graft court na ang preventive suspension na inisyu ng Second Division noong June 2026 ay iba sa inilabas ng Fifth Division noong October 2026.
Batay sa resolusyon, iginiit ni Estrada na napagsilbihan na niya ang 90-day preventive suspension na ipinataw ng Second Division at dahil sa kanyang suspensyon ay hindi niya nagampanan ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad bilang senador.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan Fifth Division na ang suspensyon na kanilang ipinataw laban sa senador ay hindi nangangahulugang magiging inactive ito indefinitely.
Pinagtibay din ng naturang dibisyon ng anti-graft court ang kanilang desisyon noong Hulyo, na nagbasura sa motion to fix bail ni Estrada sa ₱537-million plunder case na kanyang kinakaharap dahil sa kakulangan ng merito.
