![]()
IGINIIT ni Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairman Erwin Tulfo na habang prayoridad ang pangmatagalang solusyon sa krisis dulot ng giyera sa Middle East, hindi dapat isantabi ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng “flood control mess” sa bansa.
Dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng US-Israel at Iran, iginiit ng Senador na dapat nang maglatag ng konkretong plano para sa nakaambang krisis sa enerhiya.
Isinusulong ni Tulfo ang mga panukala sa Senado kaugnay ng krisis sa Middle East, kabilang ang bagong batas na Automatic Suspension of Excise Taxes on Petroleum Products, ang Bagong Balikbayan Bill, at ang Philippine Strategic Petroleum Reserve Bill.
Bukod sa mga panukala , nais din ni Tulfo na maisama ang middle class sa mga ayuda ng gobyerno.
Gayunpaman, binigyang-diin ng Senador na habang prayoridad ang mga crisis-driven solutions para sa bawat pamilyang Pilipino, tungkulin din ng gobyerno na maningil ng pananagutan.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na naaresto na si dating Cong Zaldy Co na itinuturong arkitekto ng mga anomalya sa flood control projects.
Sa inaasahan anyang pagbabalik ni Co sa bansa, umaasa si Tulfo na makukuha ng Blue Ribbon panel ang kanyang testimonya upang matapos na ang imbestigasyon sa Senado at masampahan ng kaukulang kaso ang mga dapat managot.
