![]()
Binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na magkaiba ang criminal case at impeachment case.
Sa gitna ito ng mga pahayag na hindi maaaring kasuhan ng grave threats si Vice President Sara Duterte habang ongoing ang kanyang impeachment trial.
Sinabi pa ni Castro na bilang ordinaryong mamamayan at abogado, sa tingin niya ay kulang pa nga ang isinampang kaso laban sa Bise Presidente.
Aniya, hindi lang dapat grave threats dahil talagang “sowing hatred” ang makikita sa buong video ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Idinagdag ng Palace official na wala ring immunity from suit si VP Sara kaya dapat ay noon pa nga ito kinasuhan.
Hindi rin aniya dapat isisi kay Pangulong Marcos ang pagsasampa ng kaso laban kay Duterte, dahil ang Bise Presidente naman ang may gawa nito at totoong nakita ng publiko.
