dzme1530.ph

PAGLALAGAY NG LEADERSHIP FUND SA NATIONAL BUDGET, PINATITIYAK NA MATATANGGAL NA

Loading

MULING iginiit ni Senador Panfilo Lacson na dapat maitigil na ang paglalagay ng leadership fund na tinatawag ding allocables sa pambansang budget.
 
Ito anya ay hindi lamang bagong anyo ng pork barrel na ipinagbawal na ng Supreme Court kundi mas masahol pang bersyon.
 
Ipinaliwanag ni Lacson na sa pamamagitan ng leadership fund, nagkakaroon ng pagkakataon para sa budget insertions ng mga mambabatas dahil ipinapasok ito habang binabalangkas pa ng ehekutibo ang pambansang budget — na kapag na-transmit sa Senado at Kamara ay muli pang nagagawan ng budget insertions.
 
Binigyang-diin ng senador na ang anomalyang ito ang ipinakita ng testimonya ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan na may leadership fund ang mga senador na hanggang P500 million sa 2025 national budget.
 
Sa panayam, sinabi ni Lacson na kagagawan lang ni Bonoan ang leadership fund, sa collaboration kay yumaong dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
 
Nagkaroon nito sa 2025 national budget pero nawala na sa 2026 budget.
 
Una nang sinabi ng ilang senador na nagrerekomenda sila ng mga proyekto at ipinasok sa pambansang budget dahil request ng mga lokal na pamahalaan.
 
Pero ayon kay Lacson, hindi dapat kasali ang mga mambabatas sa preparasyon ng budget at kung merong mga proyekto, dapat manggaling ang request o rekomendasyon sa local development councils.

About The Author