dzme1530.ph

MOTION FOR JUDICIAL NOTICE NG HOUSE PROSECUTION SA NAGING PAGDINIG NG HOUSE QUADCOMM KAUGNAY SA PAGGAMIT NG CONFIDENTIAL FUND NI VP SARA, INAPRUBAHAN NG IMPEACHMENT COURT

Loading

Inaprubahan ng Senate Impeachment Court ang motion for judicial notice ng House Prosecution kaugnay sa naganap na pagdinig ng Kamara sa paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Gayunman, sa ruling, nagbabala si Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na limitado lamang ang approval sa existence ng House hearings, transcripts, audiovisual recordings, at committee report bilang official records at hindi bilang patunay na totoo ang mga nilalaman nito.

Bago ang ruling, nagpahayag ng manifestation ng pagtutol ang defense team sa paggiit na hindi nila maaaring tanggapin ang mga usapin na pinagtatalunan pa, bukod pa sa dapat bigyan ng pagkakataon ang respondent na mapakinggan sa pamamagitan ng cross-examination.

Bukod dito, iginiit din ng depensa na patuloy ang kanilang pagkuwestyon sa isinagawang hearings ng Kamara dahil sa paniniwala nilang ito ay fishing expedition lamang.

Ipinaliwanag naman ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na ang ruling ng presiding officer ay nangangahulugan lamang na kinikilala ang naganap na hearings, subalit anumang nasa transcript at recording ay hindi tinatanggap bilang katotohanan.

Samantala, inaprubahan din ng Impeachment Court ang exhibit markings para sa binasang testimonya ni Arturo Lascañas.

Ipinaliwanag sa ruling na ang pagmamarka sa exhibit ay hindi nangangahulugan ng admission ng ebidensya.

About The Author