![]()
Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na ibasura ang documentary evidence na iniharap ng House Prosecution Panel para sa impeachment case.
Sa kanilang 26-page comment, iginiit ng defense team ni VP Sara na inadmissible, irrelevant at insufficient ang mga dokumento upang patunayan ang alegasyon ng unexplained wealth ng Bise Presidente.
Tinukoy ng defense team ang financial records ni VP Sara at ng asawang si Atty. Mans Carpio, ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, bank documents, corporate records, property documents at report mula sa Anti-Money Laundering Council.
Ang mga ebidensya, anila, ay mula sa impermissible fishing expedition at hindi dapat tanggapin bilang ebidensya.
Ikinatwiran ng defense panel na ang mga isinumiteng ebidensya ay hindi naka-attach sa complaints laban sa respondent at hindi rin bahagi ng Articles of Impeachment.
Partikular nilang kinuwestyon ang paggamit ng AMLC records kasama na ang Covered Transaction Reports, Suspicious Transaction Reports at Financial Intelligence Reports.
Binanggit nilang alinsunod sa Republic Act 11521, pinagbabawalan ang AMLC personnel na maglabas ng mga impormasyong kanilang nakuha sa kanilang official duties.
