dzme1530.ph

PERSONAL NA USAPIN NG MGA SENADOR NA WALANG KINALAMAN SA IMPEACHMENT, IGINIIT NA TALAKAYIN SA SENADO BILANG LEGISLATIVE BODY AT HINDI BILANG KORTE

Loading

UMARANGKADA ang ikapitong araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng manifestation ni Senador Robinhood Padilla, kung saan nilinaw niyang nagsumite siya ng counter-affidavit sa Office of the Ombudsman.
 
Sinabi ni Padilla na taliwas sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nagsumite siya ng counter-affidavit bilang pagtugon sa atas ng Ombudsman sa pamamagitan ng registered mail.
 
Hiniling ng senator-judge sa kanyang mga kasamahan na tulungan siyang linawin sa publiko na wala siyang intensyong sirain ang integridad ng Senate Impeachment Court at iginiit niyang nirerespeto niya ang Ombudsman kaya siya tumugon sa reklamo.
 
Iginiit naman ni Senador Erwin Tulfo na hindi ang Impeachment Court ang tamang venue upang ilahad ng mga senador ang kani-kanilang personal na sitwasyon.
 
Ayon kay Tulfo, sayang ang oras ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung tatalakayin sa korte ang manifestation ng isang senador na wala namang kinalaman sa impeachment.
 
Isinulong naman ni Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III na irefer na lamang ang usapin sa Senado bilang legislative body at hindi na ito talakayin sa Impeachment Court.
 
Sinagot din ni Sotto ang paulit-ulit na pahayag ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na wala umanong saysay ang pakikipagdebate tungkol sa legal na usapin sa isang hindi abogado. Ayon kay Sotto, bagama’t hindi siya nagtapos ng abogasya, mayroon na siyang 29 taong karanasan sa paggawa ng batas.
 
Kinatigan naman ni Senador Kiko Pangilinan ang mosyon ni Sotto.
 
Sa kanyang ruling, nagpasya si Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na irefer ang usapin tungkol sa kaso ni Padilla sa Senado bilang legislative body.

About The Author