![]()
Napupuna na ng ilang mga nagmamasid sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga “obviously irrelevant” na manifestation.
Ito, ayon kay Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson, makaraang ibahagi ang isang palitan ng biro sa kapwa senator-judge, kung saan binanggit niya na malamang ikatuwa ng nasa gallery ang mosyon na ipagpaliban ang paglilitis tuwing nagkakaroon ng ganitong mga manifestation.
Sinabi ni Lacson na isang senator-judge ang nagbiro kung maaari silang mag-move for division of the house sa tuwing naiirita sila sa mga irrelevant o walang kinalaman na manifestations sa hearing.
Binanggit aniya niya sa naturang senator-judge na mas makabubuti kung isulong ang adjournment.
Matatandaang sa hearing kahapon, walang tumestigong saksi ngunit nagkaroon ng mahahabang manifestation, kabilang ang mga tumalakay sa timing ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa multibilyong pisong sports complex sa Tarlac para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Noong nakaraang weekend, nagmungkahi si Lacson ng mga hakbang upang mabawasan ang mga pagkaantala sa impeachment trial, kabilang ang pagpapanatiling nakahanda sa loob ng Senado ang mga saksing inaasahang tumestigo sa loob ng linggo.
Binigyang-diin niya na ang pagpapabilis ng paglilitis ay hindi nangangahulugang isinasakripisyo ang presentasyon ng mga ebidensya, kundi ang mas mahusay na paggamit sa limitadong panahong nakalaan para sa Impeachment Court.
