![]()
KINUMPIRMA ni Atty. Michael Poa na wala ni isang pisong ibinigay ang Department of Education na pinamunuan noon ni Vice President Sara Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa Youth Leadership Summits o YLS.
Sa gitna ito ng pagsusumite nila ng certification mula sa AFP kaugnay sa liquidation ng P112.5 million confidential funds sa Commission on Audit (COA).
Sa pagharap ni Poa bilang hostile witness sa Impeachment Court, diretsahan niyang kinumpirma ang tanong ni prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr. kung totoong walang pondong ibinigay ang DepEd sa AFP para idaos ang mga youth summit.
Inulit din ni Tolosa kay Poa ang kanyang naunang pahayag sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kung saan lumabas na ginamit ng DepEd ang mga YLS ng AFP bilang bahagi ng paliwanag nito sa COA kaugnay ng paggastos ng confidential funds.
Ayon sa naunang pahayag ni Poa, ipinapalagay ng DepEd na ang mga aktibidad na isinagawa ng militar sa ground ay resulta umano ng impormasyong nakuha dahil sa mga ibinayad na reward gamit ang confidential funds.
Kinumpirma ni Poa na tama ang kanyang naunang pahayag.
Ang pag-amin ni Poa ay tugma sa testimonya nina Army Assistant Chiefs of Staff for Civil-Military Operations Col. Manaros Boransing at Col. Magtanggol Panopio noong Day 20 ng impeachment trial.
Nauna nang sinabi ng dalawang opisyal na walang pondong ibinigay ang DepEd ni Duterte sa AFP para sa Youth Leadership Summits at sariling budget ng militar ang ginamit sa mga programa.
