![]()
AMINADO si Atty. Michael Poa na posible rin siyang mapapanagot sa anumang kaso ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa paggamit ng confidential fund kung mapatunayang nagkasala ang Bise Presidente.
Sa pagtatanong ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ni Poa na umaasa siyang hindi siya madadamay sa kaso subalit sa pagiging objective, naniniwala siyang posible rin siyang mapapanagot.
Bukod anya sa kanya ay maaaring mapapanagot ang iba pang indibidwal na natutukoy na may kinalaman sa proseso ng paggugugol ng confidential fund.
Inamin naman ni Hontiveros na nagtataka siya kung bakit hindi alam ni Poa na mayroong security officer si VP Sara sa Department of Education noon na siyang pinagbigyan ng confidential fund ng kanilang special disbursing officer.
Samantala, inilatag ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero ang posibleng trial dates para sa impeachment case laban kay VP Sara sa buwan ng Oktubre kung saan magiging maghapon hanggang gabi ang pagdinig.
Sinabi ni Escudero na isasapinal pa nila ang posibleng trial dates na gagawin nilang maghapon hanggang gabi sa October 1 at 2, gayundin sa October 5 hanggang 9 at October 12 hanggang 15 bago mag-suspend ng trial upang bigyang-daan ang budget hearings.
Magreresume ang impeachment trial sa November 9 at 16 bago muling suspindihin at saka magbabalik sa normal schedule sa November 23.
