![]()
Muling nanawagan ang bagong Senate Majority na ipagpatuloy na ng Senado ang pagtupad sa mga tungkulin nito para sa mamamayang Pilipino matapos ang mga naging kontrobersiya at hindi pagkakaunawaan sa loob ng institusyon.
Sa kanilang joint statement, nagpasalamat ang grupo kay Senador Francis “Chiz” Escudero dahil sa anila’y matapang na desisyon nitong humarap sa plenaryo upang tugunan ang mga isyung kinahaharap ng Senado.
Ipinakita anila ni Escudero na mas nangingibabaw ang kanyang katapatan sa bansa, sa Senado, at sa Konstitusyon kaysa sa anumang pampulitikang konsiderasyon.
Sinabi rin ng grupo na dahil sa pagdalo ni Escudero ay naipagpatuloy ng Senado ang pagtalakay sa mga mahahalagang usapin na hindi na maaaring ipagpaliban.
Kaugnay naman ng isyu ng quorum, iginiit ng bagong majority na may mga umiiral nang batayan sa batas at institusyon.
Tinukoy nila ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco kung saan kinilala na ang quorum na 12 senador ay nakabatay sa bilang ng mga miyembrong legal na may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin bilang senador.
Binanggit din ng grupo ang naging precedent noong 2015 kung saan kinilala ng Senado ang quorum na binubuo ng 12 senador na nasa hurisdiksiyon nito upang maipagpatuloy ang mga gawain ng pamahalaan.
Ayon sa bagong majority, hindi maaaring manatiling walang operasyon ang Senado sa gitna ng mga hamon na kinahaharap ng bansa.
Inaasahan anila ng publiko na patuloy na magdedeliberasyon at tutuparin ng Senado ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.
