dzme1530.ph

DATING CONG ZALDY CO AT MGA DATING SUNDALO NA NAGDELIBER NG MALE-MALETANG PERA, SABAY NA PAHAHARAPIN SA PAGDINIG NG SENADO SA FLOOD CONTROL PROJECTS

Loading

PLANO ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na paharapin nang sabay sa pagdinig kaugnay sa flood control anomalies si dating Cong Zaldy Co at si Orly Guteza kasama ang iba pang dating sundalo na nagdeliber umano ng male-maletang pera sa ilang personalidad.
 
Sinabi ni Lacson na interconnected kay Co ang testimonya ng mga dating sundalo.
 
Sa pamamagitan anya ng paghaharap ng mga ito ay magkakaalaman na sino ang nagsasabi ng half-truth at kung sino ang nagsisinungaling.
 
Idinagdag ng senador na maaaring makapagbigay ng malaking ambag sa mga pagdinig si Co dahil inilalarawan itong arkitekto ng mga anomalya sa flood control.
 
Sinabi din ni Lacson na maaaring imbitahan ng panel ang iba pang personalidad tulad nina dating Undersecretary Adrian Bersamin at dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, kung mababanggit sila ni Co sa kanyang testimonya.
 
Nilinaw naman ni Lacson na hindi isinama sa konsiderasyon ang mga naunang pahayag ni Co sa social media dahil hindi ito ginawa sa ilalim ng panunumpa o saklaw ng mga batas ng Pilipinas.
 
Samantala, welcome kay Lacson ang atas ng Ombudsman na magsagawa ng lifestyle check sa 26 “cong-tractors,” o mga miyembro ng Kamara na umano’y sangkot bilang mga kontratista sa mga proyekto ng pamahalaan.
 
Sinabi ni Lacson na “well and good” ang pagsisimula ng Ombudsman sa pangangalap ng ebidensya laban sa mga nasabing “cong-tractors,” at binigyang-diin na malinaw na may isyu ng conflict of interest dito.

About The Author