![]()
SA pag-arangkada ng online classes dulot ng masamang panahon, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang 20% discount sa mobile prepaid load, mobile postpaid plans, at mobile internet packages para sa lahat ng mga Pilipinong mag-aaral.
Sa Senate Bill No. 2275, o ang “Student Load Discount Act,” babawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang nahihirapang makasabay sa pangangailangan sa data sa makabagong edukasyon.
Ipinaliwanag ni Tulfo na dagdag-gastusin sa mga estudyante at magulang nila ang load para sa data na kadalasan ay hadlang pa para makasabay sa online classes.
Sa ilalim ng panukala, sakop ng discount ang lahat ng mamamayang Pilipino na kasalukuyang nakatala sa mga awtorisadong pampubliko at pampribadong paaralan sa elementarya, sekondarya, technical-vocational, higher education, maliban sa post-graduate studies.
Ang obligadong 20% discount ay magagamit buong taon, kabilang ang mga weekends at holidays, upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral.
Binigyang-diin ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na malaki na ang ipinagbago ng lumang konsepto ng suspensyon ng klase.
Noon anya, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok, subalit sa panahon ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog sa mga inaaral.
Walang estudyante anya ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta.
