![]()
Iginiit ng TUCP sa Marcos administration at Kongreso ang pagpasa ng House Bill No. 88 o P200 daily minimum wage hike.
Ngayong araw ay dinidinig ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Cavite Rep. Jolo Revilla ang refiled bill ni TUCP Party-list at Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza.
Anila, kung seryoso ang Marcos Jr. administration na maibalik ang tiwala ng publiko, ibigay na ang hinihinging umento sa sahod ng mga manggagawa.
Alinsunod sa survey, ang mababang sahod ang pangunahing hinaing ng taumbayan.
Nagkakaisa ang buong labor force na nasa Kongreso ngayon ang kanilang laban, dahil ang “broken, obsolete regional wage boards” ay inutil at dapat nang buwagin.
Sa panig ng pangulo, ang magagawa nito ay sertipikahang “urgent” ang P200 legislated wage hike at utusan ang kanyang economic managers na huwag nang hadlangan pa ang panukala.
Sa halip na ituring ito bilang pabigat sa negosyo, mas mabuting tratuhin ito bilang “investment sa productivity ng manggagawa at sa pambansang ekonomiya.”
