dzme1530.ph

SUBSIDIYA SA GASTUSIN SA LANGIS NG VULNERABLE SECTORS, IGINIIT SA PANAHON NG KRISIS

Loading

NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa pamahalaan na bukod sa tradisyunal na “ayuda” dapat pag-aralan ang mas tiyak at nakatutok na mga hakbang upang matulungan ang mga Pilipinong apektado ng krisis sa langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan — kabilang ang posibleng fuel subsidy.
 
Ayon kay Lacson, maaaring pag-aralan ng gobyerno ang mga ginagawang hakbang ng mga kalapit na ekonomiya tulad ng Taiwan, na gumagamit ng subsidy mechanism upang mabawasan ang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
 
Kung makakakolekta anya ang pamahalaan ng sapat na buwis upang punan ang posibleng pagkawala ng kita mula sa pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo, maaaring ilaan na lamang ang katumbas na halaga para sa targeted subsidy.
 
Batay sa datos ng Department of Finance, sinabi niya na maaaring umabot sa ₱200.899 bilyon ang nawawalang kita sa 2027 kung sususpindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, at karagdagang ₱119.326 bilyon kung isasama ang pagsuspindi ng value-added tax — o kabuuang ₱320 bilyon kung parehong excise tax at VAT ang ipatutupad na suspensyon.
 
Hinimok din ni Lacson ang pamahalaan na isaalang-alang ang mga mekanismo ng tulong kahit sa mga sitwasyon na hindi umabot sa antas na magpapagana ng awtomatikong suspensyon ng fuel excise tax.
 
Muling iginiit ni Lacson ang panawagan para sa mas maikling monitoring period bilang batayan ng pagsuspinde ng excise tax sa langis, dahil sa “extraordinary situation” na dulot ng krisis sa Gitnang Silangan na nagtulak sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

About The Author