![]()
POSIBLENG umabot P20 billion ang halaga ng epekto sa sektor ng agrikultura dahil sa inaasahang Super El Niño, habang nasa 4.6 milyon na magsasaka at mangingisda ang maaaring maapektuhan.
Sa budget hearing ng Senado, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na isang milyong metriko tonelada ang mawawalan ng produksyon at 350,000 ektarya ng lupain ang maapektuhan ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Laurel, inaasahang tatama ang pinakamalakas na epekto ng El Niño sa Enero hanggang Abril sa susunod na taon, kaya binibilisan na ng Department of Agriculture ang paglalagay ng solar-powered irrigation systems at iba pang pasilidad para sa suplay ng tubig.
Kabilang din sa mga hakbang ang pagbibigay ng fertilizer at seed assistance, pagpapalawak ng maliliit na imbakan ng tubig at paggamit ng solar-powered paddle wheels para mapanatili ang sapat na oxygen sa mga palaisdaan at maiwasan ang fish kill.
Samantala, sinabi ng kalihim na nakalaan ang P10 billion Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk para sa direktang ayuda sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Nakikipag-ugnayan din ang DA sa Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Department of Health at iba pang ahensiya para mapagsama-sama ang mga programa at pondo para sa cash assistance, food packs at pansamantalang trabaho.
Sa pagdinig, binigyang-diin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pangangailangang tiyakin na sapat ang pondo at nakahanda ang pamahalaan para mapagaan ang epekto ng El Niño sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at sa suplay ng pagkain sa bansa.
