![]()
Kinatigan ng Senate Impeachment Court ang hiling ng prosekusyon na i-subpoena ang tax at bank records ni Vice President Sara Duterte, gayundin ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.
Sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, inatasan ang mga bangko, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR) na isumite ang mga hinihinging dokumento sa Hulyo 30, alas-9:00 ng umaga.
Kailangang unang isumite ang mga ito sa Presiding Officer, kasama ang Clerk of Court, bago bigyan ng kopya ang mga partido.
Sa 21 negosyong isinama sa hiling, 19 na korporasyon lamang ang isinailalim sa subpoena dahil ang mga ito lamang ang nakitang may kaugnayan kay VP Sara.
Samantala, ibinasura ang hiling na i-subpoena ang foreign o dollar accounts ni VP Sara alinsunod sa confidentiality rule.
Iginiit ni Escudero na hindi ito ang unang pagkakataon na susuriin ang mga bank records sa isang impeachment trial, dahil nangyari na rin ito sa impeachment trial laban kay dating Chief Justice Renato Corona.
Para naman sa BIR, maaaring iprisinta ni Commissioner Charlito Mendoza ang subpoena kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabigyan ng awtorisasyon ang pagsusumite ng mga hinihinging dokumento.
