![]()
TINIYAK ni Senate President Sherwin Gatchalian na hindi magpapaapekto ang Senado sa isiniwalat ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan tungkol sa leadership fund sa ilalim ng ahensya, kung saan hindi bababa sa P500 million ang alokasyon para sa bawat senador.
Sinabi ni Gatchalian na sa kabila ng isyu ay tuloy ang mga senador sa pagganap ng kanilang tungkulin na himayin ang budget para sa 2027 at tiniyak din ang pagpapatupad ng transparency sa budget process.
Sinabi ni Gatchalian na siya mismo ay nagsisimula na sa pag-aaral ng 2027 national budget, kung saan sinisilip niya ang libo-libong line items ng DPWH.
Kung si Gatchalian ang tatanungin, sa sampung taon niya sa Senado ay ngayon lang niya narinig ang leadership fund, wala ring nag-offer sa kanya ng ganito at wala rin siyang alam na nalagyan ng nasabing pondo.
Marami rin sa mga senador ang nakausap ng Senate President na hindi rin alam kung ano ang leadership fund.
Idinagdag pa ni Gatchalian na walang termino ng leadership fund sa mga nakalipas na pambansang pondo at sa tingin niya, si Bonoan lang ang nakakaalam at may access dito at hindi sa lahat.
