![]()
NANINDIGAN si Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri na hindi siya humingi o nangasiwa ng anumang listahan ng mga hinihinging proyekto ng bawat senador noong siya ay nagsilbi bilang senate president.
Ginawa ni Zubiri ang pahayag makaraang tukuyin ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang senador ang may diskresyon noon sa leadership fund ng mga senador habang binabalangkas ang budget.
Sinabi ni Zubiri na walang dumaan na anumang proposed budget amendments sa kanyang tanggapan dahil ito anya ay napupunta sa Senate Committee on Finance na siyang tagangasiwa ng budget process sa Senado.
Kasabayn nito, binigyang-diin ng senador na wala siyang nakikitang mali sa anumang institutional reforms na susuporta sa mga proyekto tulad ng kalsada, tulay, paliparan, pantalan at iba pang imprastraktura sa mga malalayong komunidad.
Ito ay sa kondisyong aprubado ng implementing agency at maayos na naipatutupad ang mga proyekto at malayo sa personal interest at katiwalian.
Binigyang-diin ng mambabatas na lahat ng senador at mga miyembro ng Kamara ay nagsusulong ng amendments sa budget.
Binanggit niya na maging si dating Senate President Franklin Drilon na hindi makukuwestyon ang integridad ay tumulong din sa pagsasaayos ng Iloilo City sa pamamagitan ng pagpapatupad ng institutional amendments sa budget.
Bahagi anya ito ng kanilang responsibilidad bilang mambabatas upang makapagsulong ng kinakailangang development sa mga komunidad.
