dzme1530.ph

SANHI AT EPEKTO NG SUNUD-SUNOD NA BAGYO AT HABAGAT, PINASUSURI SA SENADO

Loading

ISINUSULONG ni Senate President Pro Tempore Vicente C. Sotto III ang malalim na imbestigasyon sa Senado kaugnay ng ugat at matinding epekto ng sunod-sunod na bagyo at habagat na tumama sa bansa.
 
Layun nitong mapalakas ang disaster mitigation at paghahanda ng Pilipinas sa panahon ng kalamidad.
 
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 631, sinabi ni Sotto na halos lingguhan ang pananalasa ng mga bagyo at habagat noong Agosto na nagdulot ng malawakang pagbaha, suspensyon ng klase at trabaho, pagka-stranded ng mga commuter, pagsasara ng mga negosyo, at pagbaha sa libu-libong kabahayan.
 
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang suriin ang tibay at pagiging epektibo ng mga pampublikong imprastraktura, lalo na ang mga flood-control project na itinayo upang protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha.
 
Batay sa resolusyon, umabot sa tinatayang ₱5.1 bilyon ang pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura, kabilang ang pagkasira at pagguho ng ilang kalsada, tulay, at flood-control structures.
 
Kabilang sa mga binanggit ni Sotto ang mga hindi pa natatapos na flood-control project sa Sablayan, Occidental Mindoro na umano’y nasira at lalo pang nagpalala ng pinsala sa mga residente, gayundin ang pagguho ng bahagi ng Benguet–Nueva Vizcaya Road bunsod ng malalakas na ulan.
 
Tinukoy din sa resolusyon ang pagbagsak ng Aquino Bridge at Agana Bridge sa Tarlac City noong Agosto 29, kung saan ang huli ay nasangkutan ng isang sasakyang may limang sakay.
 
Bukod sa imprastraktura, ikinabahala rin ni Sotto ang ulat ng Department of Health na nakapagtala ng 5,486 kaso ng leptospirosis at 344 na nasawi matapos ang pagbaha dulot ng habagat.
 
Ayon sa senador, mahalagang masuri kung sapat ang katatagan ng mga pampublikong imprastraktura sa harap ng lumalalang epekto ng mga bagyo, habang tinitiyak na ang malalaking proyekto ay isinasaalang-alang ang magiging epekto nito sa pagbaha at likas na yaman.

About The Author