![]()
Nanawagan ang mga consumer ng tubig sa San Pedro, Laguna, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang iniulat na paglipat ng 100% na pagmamay-ari at kontrol ng PrimeWater Infrastructure, Inc. sa Crystal Bridges Holding Corporation (CBHC) ni Lucio Co, sa gitna ng banta ng Super El Niño at posibleng krisis sa tubig.
Kinuwestiyon ng mga petitioner kung nakuha ang kinakailangang paunang nakasulat na pahintulot para sa transaksyon, alinsunod sa 2013 Revised NEDA Joint Venture Guidelines at Joint Venture Agreement ng PrimeWater at San Pedro Water District.
Kinondena rin nila ang umano’y pagtangging ilabas ang definitive agreement dahil sa pagiging confidential nito.
Iginiit ng grupo na hindi dapat manaig ang pribadong interest sa karapatan ng publiko sa sapat at maaasahang supply ng tubig.
Idinagdag din ng petitioners na hindi sapat ang pamamahagi ng mga balde bilang tugon sa krisis.
Kailangan anila ay pangmatagalang solusyon, maayos na imprastraktura, tuloy-tuloy na supply, at pananagutan sa mga may pagkukulang sa serbisyo.
