![]()
Mahigit 20,000 kilo ng tilapia at karpa ang nangamatay sa panibagong fish kill sa Laguna de Bay, na nakaapekto sa mahigit 30 fish cages o baklad na sumasakop sa pitong ektarya sa Jala-Jala, Rizal.
Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), tinaya ang initial losses sa P700,000.
Naghihinala ang mga lokal na mangingisda at operators ng baklad na posibleng chemical waste ang dahilan ng biglaan at malawakang fish kill.
Sinabi ni PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo na napansin ng mga operator at mangingisda na nagkulay kalawang ang tubig sa lawa bago nagsimulang mamatay ang mga isda.
Inihayag ng PAMALAKAYA na ito na ang ikalawang fish kill sa Laguna de Bay, matapos ang kahalintulad na insidente sa Binangonan, Rizal noong Hulyo.
