![]()
Pito katao ang nasawi matapos bumangga ang sinasakyan nilang tricycle sa kasalubong na SUV sa San Juan, Batangas.
Batay sa report, binabagtas ng SUV ang kahabaan ng national highway sa Barangay Abung nang bigla itong lumihis sa kabilang lane at sumalpok sa kasalubong na tricycle na puno ng mga pasahero.
Sa lakas ng impact, may mga pasaherong tumilapon palabas ng tricycle habang ang iba ay nasagasaan pa ng coaster bus na sumusunod sa SUV.
Wasak at mistulang pinitpit na lata ang itsura ng tricycle pagkatapos ng aksidente.
Limang pasahero ang idineklarang dead on arrival sa ospital habang dalawa ang binawian ng buhay kinalaunan.
Samantala, ginagamot pa sa ospital ang dalawang taong gulang na bata na nag-iisang nakaligtas habang nasa kustodiya na ng pulisya ang babaeng driver ng SUV at mahaharap sa patong-patong na kaso.
Maging ang driver ng coaster na nakasagasa ng mga pasahero ay kakasuhan din.
