![]()
Inilatag na ng prosecution at defense teams ang kani-kanilang argumento kaugnay sa pagpapasubpoena ng bank at tax records ni Vice President Sara Duterte upang magamit sa pagtalakay sa Article 2 ng impeachment case na may kinalaman sa unexplained wealth.
Sa panig ng prosecution, si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang kumatawan sa prosekusyon upang ilatag ang kanilang argumento, habang si Atty. Michael Wesley Poa naman ang kumatawan sa panig ng depensa.
Iginiit ni Diokno na mailalabas ang katotohanan sa alegasyon kaugnay sa unexplained wealth ng Bise Presidente kung mabubusisi ang bank, BIR, at AMLC records nito at ng kanyang asawa.
Binigyang-diin ng kongresista na nakasaad sa Konstitusyon na may extraordinary powers ang impeachment court, kaya’t kontra ito sa pahayag ni Poa na walang awtoridad ang korte na i-scrutinize ang mga records.
Kinontra rin ng prosekusyon ang pahayag ng depensa na irrelevant ang financial records ni VP Sara dahil, batay aniya sa AMLC report, ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente ay mahalaga sa isyu ng betrayal of public trust.
Sinabi naman ni Poa na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa kung may kapangyarihan ang korte na mag-isyu ng subpoena kundi kung lalabag na ito sa due process.
Iginiit niyang nawawala ang tunay na layunin ng subpoena na maging instrumento ng katarungan kung gagamitin ito sa fishing expedition.
Binigyang-diin pa ni Poa na bagama’t no one is above the law, wala naman aniya dapat mapagkaitan ng proteksyon ng batas.
Matapos ang oral arguments, hiniling ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na ipagpaliban sa Lunes ang pagdedesisyon sa usapin dahil marami pa silang katanungan kaugnay nito.
Sinabi naman ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na mag-uusap sila sa caucus, subalit target pa rin nilang maglabas ng ruling ngayong araw na ito.
