![]()
Kinalampag ni Senador Raffy Tulfo ang Professional Regulation Commission o PRC upang imbestigahan ang mga doktor na nasasangkot sa pagkamatay ng ilan nilang pasyente dahil sa maling medical procedure.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Department of Labor and Employment, sinita ni Tulfo ang hindi pag-aksyon ng PRC sa ilang kaso ng plastic surgeons na inireklamo matapos mamatay ang ilang pasyente dahil sa magkakasabay na medical procedure.
Ipinaalala ni Tulfo na ipinagbabawal sa medical field ang magkakasabay na procedures sa isang pasyente.
Binanggit ng senador ang isang sikat na celebrity plastic surgeon na namatayan ng pasyente noong 2017 at ngayong 2026.
Sa kabila ng mga insidente ay hindi anya natatanggalan ng lisensya ang doktor at tumatanggap pa rin ng pasyente.
Nangako naman si Labor Secretary Francis Tolentino na kakausapin ang mga opisyal ng PRC at ang board nito upang bumuo ng team na magsasagawa ng imbestigasyon sa naturang kaso.
Tiniyak naman ni PRC Chairperson Charito Zamora na mag-iisyu sila ng cease and desist order laban sa doktor at sa kanyang klinika upang mapasara ito at hindi na makapag-perform ng medical procedures.
