![]()
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng isang operator ng Green GSM Taxi dahil sa birthday prank sa isang pasahero na kunwari ay hinoldap, kinidnap, at dinala sa isang surprise birthday party.
Nilinaw naman ni LTFRB Board Member Greg Pua Jr. na hindi lahat ng unit ng Green GSM ang saklaw ng suspensyon ng prangkisa dahil may iba’t ibang prangkisa ang mga operator.
Sinabi ni Pua na tila ginagawang normal ang pagsasagawa ng prank kahit isang public utility vehicle ang ginamit.
Nakaaalarma aniya ang prank dahil maaaring iba ang naging kahihinatnan ng insidente.
Nagdudulot din aniya ito ng takot sa ibang pasahero, lalo na’t maaaring putulin ang video at magmukhang totoong panghoholdap at hindi lamang prank.
Ipinaalala pa ng opisyal na may responsibilidad ang mga operator na tiyakin ang kaligtasan, kaginhawahan, at kapakanan ng riding public.
