![]()
Umabot sa 104 na residente mula sa flood-prone areas sa Lian, Batangas, ang ligtas na nailikas at dinala sa Balibago Elementary School bilang pag-iingat sa epekto ng Low Pressure Area at pinalakas na Habagat ngayong Martes.
Samantala, nagsagawa din ang PCG at MDRRMO ng clearing operations sa bayan ng San Luis matapos bumagsak ang isang puno at bumara ang mga debris sa daluyan ng tubig, na nagresulta ng pagbaha sa mga kalapit na kabahayan sa lugar.
Sa bayan ng Tingloy, agad ding nagsagawa ng paglilinis at declogging operations ang PCG matapos bahain ang Barangay 13 at 15.
Inalis ang mga sanga, basura at iba pang nakabara sa daluyan ng tubig, dahilan upang humupa ang baha kaninang umaga.
Nagpapatuloy ang ginagawang monitoring at koordinasyon ng PCG at mga lokal na awtoridad, habang hinimok ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain na manatiling alerto at agad na lumikas kung kinakailangan.
