dzme1530.ph

PAGREBISA SA BUILDING CODE, MULING IGINIIT MATAPOS ANG 7.8 MAGNITUDE NA LINDOL

Loading

SISILIPIN ng ilang miyembro ng Senate Majority Bloc ang National Building Code of the Philippines kasunod ng pagbagsak ng ilang mga istruktura at imprastraktura dahil sa magnitude 7.8 na lindol.
 
Kanina ay personal na naghatid ng tulong sa Sarangani sina Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian kasama sina Senators Juan Miguel Migz Zubiri, JV Ejercito at Erwin Tulfo kung saan nakasama rin nila si House Speaker Bojie Dy.
 
Bukod sa paghahatid ng tulong, layun din ng pagbisita ng mga senador sa lugar na alamin ang mga lawak ng pinsala ng lindol at iba pang pangangailangan upang maikunsidera sa pagbalangkas ng 2027 national budget.
 
Sinabi ni Gatchalian na nakakalungkot na maging ang bagong gawang pier sa Sarangani ay nasira kaya’t dapat masilip ang building code upang maamyendahan at maiakma sa pangangailangan ng panahon.
 
Inihayag naman ni Ejercito na simula pa lamang ito ng kanilang pagtulong sa Mindanao dahil bubuo pa sila ng mga hakbangin upang makatulong sa agarang pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga apektado.
 
Binigyang-diin naman ni Zubiri na nagkakaisa ang Senado, hindi lamang ang majority bloc kundi ang lahat ng mga senador na makatulong agad sa mga pangangailangan ng mga tinamaan ng lindol at maglatag ng long term solutions sa mga ganitong insidente.
 
Tiniyak naman ni Tulfo na bubusisiin ang implementasyon ng bawat proyekto upang tiyakin na lahat ng pondo ng bayan ay nagagagastos ng tama.

About The Author