![]()
Inihahanda ng National Police Commission (Napolcom) ang isasampang motu proprio administrative complaint laban sa tatlong pulis na umano’y gumamit ng dahas sa media personnel na nagko-cover ng kilos-protesta ng mga magsasaka sa Quezon City noong Oct. 19.
Inihayag ng Napolcom na nakumpleto na ng kanilang Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) ang kanilang initial fact-finding investigation para ma-establish ang mga nangyari at matukoy ang mga pulis na sangkot.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan na dapat ay magampanan ng media workers ang kanilang tungkulin nang ligtas at walang takot mula sa karahasan o intimidasyon.
Idinagdag ni Calinisan na inaasahan nilang ipatutupad ng police officers ang kanilang awtoridad, taglay ang mahigpit na propesyonalismo, pagtitimpi, at pinakamataas na respeto para sa karapatang pantao.
Tiniyak din ng Napolcom chief na ang masamang asal, di-wastong pag-uugali o maling gawain ay hindi nila babalewalain.
