![]()
NILINAW ng Anti-Money Laundering Division ng Metrobank sa Impeachment Court na hindi basta tsismis, haka-haka o negatibong balita ang batayan ng mga bangko sa pag-uulat ng kahina-hinalang transaksyon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sinabi ni Atty. Niña Feren Aguilar na na hindi sapat ang negatibong balita para basta maghain ng STR laban sa isang kliyente.
Sa halip, sinusuri ng bangko kung may sapat na batayan upang kuwestiyunin ang isang transaksyon, kabilang ang malalaking depositong walang malinaw na legal, pangkalakalan o pang-ekonomiyang dahilan.
Sa kanyang interjection, binigyang-diin ni Senador Kiko Pangilinan na hindi basta naghahain ng STR ang bangko dahil lamang sa isang kontrobersyal na balita na kinunmpirma ni Aguilar.
Binusisi rin ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang proseso ng Metrobank sa pag-uulat ng mga kahina-hinalang transaksyon sa pagtatanong kung awtomatikong ipinadadala sa AMLC ang isang ulat sa sandaling may lumabas na kontrobersyal na balita tungkol sa isang depositor.
Ipinaliwanag ni Aguilar na kapag may negatibong balitang kinasasangkutan ang isang kliyente, hindi agad ito nangangahulugang may kahina-hinalang transaksyon.
Sa halip, tinitiyak muna ng bangko kung ang kanilang kliyente nga ang sangkot sa balita bago magsagawa ng mas malalim na pagsusuri sa mga transaksyon nito.
Dagdag pa niya na maaari pang magsumite ng karagdagang STR kung may sapat na batayan matapos suriin ang mga transaksyon.
Binigyang-diin pa ni Aguilar na hindi maaaring basta magpadala ng STR ang mga teller o ordinaryong empleyado ng bangko dahil dumadaan pa ito sa kanilang Anti-Money Laundering Division at personal niyang aprubahan bago isumite sa AMLC.
