![]()
Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government o DILG na umaabot sa tatlong libong (3,000) tawag na konektado sa karahasan laban sa mga kababaihan at bata ang natanggap nila sa pamamagitan ng Unified 911 Hotline.
Ayon sa DILG, mula January 1 hanggang October 31, 2,895 VAW-C-related calls ang kanilang naitala mula sa 96,000 emergency calls.
Tiniyak naman ng ahensya na bawat tawag ay itinuturing nilang oportunidad upang tumulong sa bawat sitwasyon at mailigtas ang mga biktima.
Ilan sa mga kasong agad natugunan ang pagliligtas sa 16-year-old na babae sa Palo, Leyte mula sa mga nagtatangkang mag-recruit sa kanya bilang entertainer.
May mag-ina ring nailigtas makaraang tumawag sa 911 ang babae dahil sa pamimilit umano sa kanya ng pakikipag-sexual intercourse.
May kaso rin ng child abuse na naiulat sa hotline kaya’t nailigtas ang bata mula sa amang nang-aabuso sa kanya.
Sinabi ng PNP na ang emergency hotline ay dapat ituring bilang sistema ng agarang pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong at hindi lamang simpleng numero na dapat tandaan.
