dzme1530.ph

MGA DOKUMENTONG MAY KINALAMAN SA MGA UMANO’Y KWESTYONABLENG INFRASTRUCTURE PROJECTS SA TAGUIG, NASA KAMAY NA NG OMBUDSMAN

Loading

KINUMPIRMA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na naisumite na nila sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang kanilang nakalap hinggil sa mga kuwestiyonableng proyektong pang-imprastraktura sa Taguig City, na balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
 
Kumbinsido si Lacson na sapat ang mga ebidensya upang maging batayan sa pagsasampa ng mga kasong plunder, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga nasa likod ng mga proyekto.
 
Nilinaw din ng senador na ang mga anomalya sa Taguig City ay kakaiba sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control na una na nilang naidokumento sa Bulacan.
 
Binigyang-diin ni Lacson na kumbinasyon ng old and new tricks ang mga iregularidad sa Taguig City, kasama ang umano’y illegal reclamation project na idineklara bilang slope protection structures, na ang ilan ay ghost projects, double appropriations, recycled photos ng mga nakaraan at nakumpleto nang kontrata na pinalalabas na mga bago.
 
Ang mga ito umano ay kontrolado ng isang tao simula pa noong 2019.
 
Noong 2020 hanggang 2025, ang Taguig ay may accumulated na P14.4 billion na halaga ng infra projects at patuloy pang nadaragdagan.
 
Sinabi ni Lacson na patuloy silang magsusumite sa Ombudsman ng anumang ebidensyang makikita nila upang makatulong sa kanilang krusada laban sa graft and corruption.

About The Author