![]()
KINUMPIRMA ni Senate Committee on Agriculture chairman Francis Kiko Pangilinan na ilang opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang sangkot sa smuggling ng agricultural products sa bansa.
Sinabi ni Pangilinan na sa susunod na buwan ay ilalabas na nila ang Committee Report hinggil sa isinagawa nilang pagsisiyasat sa isyu ng nagpapatuloy na agricultural smuggling.
Matalim ang pahayag ng senador sa mga mapapangalanang matataas na opisyal na magpasensyahan na lamang.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na hindi maaring sabihin na may cartel sa importasyon ng mga Agricultural Products kung walang kasabwat sa Gobyerno.
Wala pa itong binanggit na Ahensya ng Pamahalaan at kung sinu-sino ang mga sangkot sa Cartel.
Naniniwala ang senador na Modus Operandi ang ginagawa sa importasyon ng mga produkto sa agrikultura.
Dahil laging nangangako ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Agriculture na walang papasok na Imported Agriculture Products sa panahon ng anihan ngunit hindi naman ito nasusunod.
Itinataon ang importasyon sa anihan kaya’t bagsak ang presyo ng mga lokal na produkto na ikinalulugi ng mga magsasaka ngunit tiba-tiba ang mga Middlemen o mga Traders.
Inihalimbawa pa ng senador na nitong nakalipas na buwan 20, 000 metric tons ng smuggled na bigas mula Vietnam na nagkakahalaga ng P700 milyon ang nasabat sa Davao City at Limay, Bataan.
Ikinalulungkot ni Pangilinan na sa kabila ng umiiral na Agriculture Smuggling Act ngunit wala pang big time na smuggler ang nakukulong.
