dzme1530.ph

MGA DOKUMENTO SA MGA MAANOMALYANG PROYEKTO SA TAGUIG CITY, ILALANTAD SA BLUE RIBBON COMMITTEE HEARING

Loading

TINIYAK ni Senador Panfilo Lacson na ilalantad sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga “delicious” na detalye sa likod ng mga maanomalyang infrastructure project sa Taguig City na balwarte ni Senador Alan Peter Cayetano.
 
Sinabi ni Lacson na nagsumite sila ng mga ebidensya hinggil sa mga kuwestyonableng proyektong pang-imprastraktura sa Ombudsman at tatalakayin sa mga pagdinig ang hindi bababa sa limang case studies na isinagawa nila ng kanyang team.
 
Tinutukoy niya ang pahayag ni Cayetano na “malicious” ang mga ibinunyag ni Lacson tungkol sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig, na sinagot naman ni Lacson sa pagsasabing ang “delicious” na mga detalye ay ilalahad sa mga pagdinig.
 
Ayon kay Lacson, ang mga anomalya sa Taguig City ay kakaiba kumpara sa mga nauna nilang case studies sa Bulacan dahil gumamit ang mga ito ng kombinasyon ng “old and new tricks.”
 
Mula 2020 hanggang 2025 pa lamang, sinabi niya na umabot na sa P14.4 bilyon ang halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig — “and still counting.”
 
Ngunit binigyang-diin ni Lacson na kahit patuloy silang magsusumite sa Ombudsman ng iba pang mga ebidensyang maaari pa nilang makuha, hindi nito hinahadlangan ang anumang hakbang na maaaring gawin ng Blue Ribbon Committee.

About The Author