![]()
PINATITIYAK ni Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment o DOLE na ligtas ang mga gusali at pasilidad na pinagtatrabahuhan ng ating mga manggagawa sa mga lugar na apektado ng lindol sa Mindanao.
Sinabi ni Villanueva na habang unti-unting nanunumbalik sa normal ang operasyon ng mga opisina at industriya, dapat makipag-ugnayan ang DOLE sa mga apektadong lokal na pamahalaan.
Ipinaalala ng senador na sa ilalim ng Occupational Safety and Health Standards Law, karapatan ng bawat manggagawa na magkaroon ng ligtas at maayos na lugar ng paggawa.
Binigyang-diin ng senador na ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga manggagawa at ng kanilang mga pinagtatrabahuhan ay hindi lamang obligasyong itinatadhana ng batas, kundi isang mahalagang pananagutan ng pamahalaan sa ating mga kababayan.
Kasabay nito, sinabi ni Villanueva na bagama’t malawak ang naging epekto ng kalamidad na ito, ipinakita ng pamahalaan ang kahandaan nitong tumugon sa krisis sa pamamagitan ng magkakaugnay na pagkilos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng mga katuwang nitong lokal na pamahalaan.
Patuloy ding nagpapadala ng iba’t ibang klase ng tulong ang mga lokal na pamahalaan mula sa Luzon at Visayas, kabilang ang mga rescue personnel, kagamitan, at relief goods.
Ipinakikita aniya nito na nananatiling buhay at matatag ang diwa ng bayanihan sa bansa, lalo na sa harap ng matitinding pagsubok at sakuna.
