![]()
ISINUSULONG ni Senador Robinhood Padilla ang isang resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Sa kanyang Senate Resolution 732, nabahala si Padilla sa implementasyon ng polisiya dahil sa masyadong malaki at hindi makatwirang multa na mabigat para sa motorista at sa mga tsuper at operator ng Public Utility Vehicles.
Binanggit din ang reklamo kaugnay sa delayed na notice of violations, ang pagpapataw ng multa sa registered owner ng sasakyan kahit iba ang nagmamaneho at ang mga isyu sa proseso para iapela ang paglabag.
Tinukoy din ang reklamo ng ilang motorista ukol sa kakulangan o malabong road signs at lane markings at ang reports ukol sa mga panlolokong text messages.
Iginiit ni Padilla na kailangan nilang magsiyasat para madetermina kung sapat ang mga batas, regulasyon at mekanismo para maprotektahan ang mga motorista habang ipinapatupad ang mga patakaran sa lansangan.
Binigyang-diin ng senador na ang mga traffic enforcement policies ay makatao, makatwiran at tumutugon sa aktwal na sirkumstansya ng mga motorista tulad kapag may emergency at hindi maiiwasang sitwasyon.
