![]()
NANINIWALA si Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na palagian nang aabutin ng mahigit anim na oras o higit pa ang takbo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay aniya ito sa naging takbo ng pagdinig kahapon, kung saan naisalang sa direct examination at simula ng cross-examination ang ikalawang testigo ng prosecution panel na si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
Ngayong ikalimang araw ng paglilitis, muling sasalang sa witness stand si Lotoc para sa pagpapatuloy ng cross-examination sa kanya ng defense panel.
Ipinaliwanag ni Tongol na ngayong linggong ito ay target tapusin ang presentasyon ng dalawa pang testigo na sina Atty. Zuleika Lopez at Belinda Bello.
Sinabi ni Tongol na nais din ng Impeachment Court na mapabilis ang proseso, subalit hindi dapat maisakripisyo ang tamang proseso.
Samantala, isa sa inaabangan ngayon sa Senado ang posibleng pagdating ni VP Sara upang sumuporta sa pagharap ni Lopez.
Gayunman, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, na hindi pa sila tiyak kung makakahabol ang Bise Presidente dahil marami pa itong nakatakdang meeting.
