ISINUSULONG ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa raid sa isang gusali sa Pasay na ginaganamit sa mga ilegal na gawain ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa kanyang Senate Resolution 853, nais ni Gatchalian na magsagawa ng imbestigasyon In-aid of Legislation kaugnay sa internet gaming na lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na umano’y sangkot sa mga POGO related crimes at may kinalaman din sa Prostitution, Human Trafficking, Torture, Kidnap for Ransom at online scams.
Tinukoy sa resolusyon ang raid ng mga otoridad noong October 27 laban sa Smart Web Technology Corporation (Smart Web), isang internet gaming licensee ng PAGCOR na matatagpuan sa Pasay City, dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Aabot sa 731 na mga Pinoy at Foreign Nationals na sinasabing biktima ng POGO ang nailigtas at nakwestyon ng mga otoridad.
Ang internet gaming licensee ay kinakitaan ng paglabag sa regulasyon ng PAGCOR kung saan ang gusali ay makikita ang aquarium-style viewing chamber, torture chamber, massage parlors na ginagamit sa prostitusyon, gayundin ang pagkakasangkot sa labor trafficking, online crypto investment at love scams.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News