![]()
Hindi na ihaharap ng House Prosecution Panel sa impeachment proceedings si dating Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay House Lead Prosecutor at Rep. Gerville Luistro, batay sa kanilang pag-uusap ay nagdesisyon na silang hindi na iharap si Trillanes.
Una nang iginiit ni Senator Judge Raffy Tulfo na kung ihaharap si Trillanes ay dapat unahin siya bago ang mga kinatawan ng Anti-Money Laundering Council.
Sa kabila ito ng nauna namang payo ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na kung tututok sa mga bank records ang testimonya ni Trillanes, mas mabuting unahin nang tumestigo ang kinatawan ng AMLC at ng ibang mga bangko.
Samantala, sa order of presentation ng mga testigo, ipagpapatuloy bukas ang pagbibigay-testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura na may kaugnayan naman sa mga umano’y malalaking financial transactions ng Bise Presidente.
Hiniling naman ng prosekusyon na ipasubpoena ng Impeachment Court para paharapin sa Lunes, October 5, ang kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), habang sa Martes, October 6, ay mga kinatawan mula sa banks and insurance companies.
