![]()
KINUMPIRMA ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na ang Senate Minority Bloc na ngayon ang humaharang sa kanilang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control at infrastructure projects.
Sinabi ni Tulfo na nagtataka siya kung bakit, matapos ang paulit-ulit na panawagan ng ilang minority senators para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, ay sila naman ngayon ang pumipigil.
Ito ay matapos na rin ang mga inilabas na alegasyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa mga iregularidad sa ilang proyekto sa Taguig City na balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Para kay Tulfo, obvious ang dahilan kaya’t hinaharang ng minorya ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na posibleng muling aarangkada ang kanilang pagsisiyasat sa sinasabing anomalya sa flood control projects sa susunod na linggo.
Hindi naman matiyak ni Tulfo kung tatalakayin pa ang mga alegasyon sa mga proyekto sa Taguig dahil naisumite na rin ang mga ito sa Ombudsman.
