dzme1530.ph

GOBYERNO, HINIMOK NA TULUNGAN ANG ANAK NG PINASLANG NA BROADCASTER NA SI PERCY LAPID

Loading

Umapela si Sen. Risa Hontiveros sa Malacañang at sa Department of Foreign Affairs upang tulungan ang anak ng pinaslang na broadcaster na si Percy Lapid na inaresto ng mga ahente ng Immigration and Customs Enforcement o ICE sa California na hanggang ngayon ay walang malinaw na dahilan.

Ayon kay Hontiveros, si Mark Mabasa kasama ang iba pang miyembro ng pamilya ni Percy Lapid ay matagal nang nag-a-apply ng asylum sa Amerika.

Ito ay matapos ang sunod-sunod na banta sa kanilang buhay na iniuugnay kay dating BuCor Chief Gerald Bantag na suspek sa pagpatay kay Lapid.

Sinabi ni Hontiveros na inilapit na ang kaso ni Mark kina Ambassador to the US Jose Manuel “Babes” Romualdez, US Ambassador to the Philippines Lee Lipton, at Philippine Consul General sa Los Angeles Adel Cruz.

Hinimok din niya ang Malacañang at mga kinauukulang ahensya na tulungan si Mark at iba pang miyembro ng pamilya Mabasa.

Ipinaalala ng senadora na hindi na nabigyang proteksyon ng gobyerno ang buhay ni Percy kaya sa pagkakataong ito ay umaasa siyang matutulungan ang pamilya niya.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangan nilang maramdaman na hindi sila nag-iisa, dito man o sa ibang bansa.

About The Author