![]()
NAKASALANG na ngayon si Davao City Mayor Sebastian Baste Duterte sa pagdinig sa impeachment case ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Pasado alas-9 ng umaga nang dumating si Mayor Baste sa Senado bilang pagsunod sa subpoena sa kanya ng korte.
Sa pagsisimula naman ng day 31 ng impeachment trial, pinangunahan ni dating Supreme Court Spokesman Atty Theodore Te ang presentasyon kay Mayor Baste bilang hostile witness ng prosecution.
Sa paghaharap kay Mayor Baste, sinabi ni Te na pangunahing usaping itatanong sa kanya ang mga kaalaman kaugnay sa transaksyon ng Davao LGU sa GenCorp Industries na idinidikit kay VP Sara.
Iginiit naman ng defense team na irrelevant ang testimonya ng alkalde dahil na-establish na sa pahayag ng mga naunang testigo ang mga kontrata ng lokal na pamahalaan at ng kumpanya.
Umikot ang unang mga tanong ni Te kay Mayor Baste sa kanyang mga naging pahayag kaugnay sa anya’y motibo ng administrasyon sa impeachment trial laban sa kanyang kapatid.
Matapos mapakumpirma ni Te kay Mayor Baste ang mga inilabas niyang statement laban sa impeachment trial at sa kumpirmasyon na hindi magtutungo ang alkalde sa korte kung walang subpoena ay hiniling nyang ideklara bilang hostile witness ang alkalde na kinontra naman ng dipensa.
Sa ruling naman ni Presiding Officer Francis Chiz Escudero , inaprubahan ang deklarasyon kay Mayor Baste bilang hostile witness dahil kung mapapatunayan sa mga testimonya nito ang mga alegasyon ng prosekusyon ay maeexpose ang respondent sa liability.
