![]()
NILINAW ng mga ahensya ng gobyerno na hindi Artificial Intelligence Hub kundi manufacturing hub ang itatayo sa Pax Silica Hub sa Tarlac.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, sinabi ni Undersecretary Ceferio Rodolfo, vice chairman ng Board of Investments, na hati sa dalawa ang proyekto na kinabibilangan ng partnership at ang mismong proyekto.
Ipinaliwanag niya na sa partnership, 24 na bansa ang sumang-ayon sa declaration of shared principles pero non-binding, ibig sabihin, hindi pwersadong sundin.
Ang proyekto naman ay hindi AI hub kundi advanced manufacturing para sa equipment at components na dadalhin o ie-export sa AI data centers.
Sinabi naman ni BCDA President and CEO Joshua Bingcang, sa halip na Pax Silica, tatawagin na muna nila itong Clark Advanced Manufacturing Plant.
Ipinaliwanag ni Bingcang na ang 1,620 ektaryang planta ay nasa lupain ng gobyerno habang ang mga investor ang magpapagawa ng planta at mga kalsada.
Magkakaroon din sila ng sariling source ng kuryente at tubig at hindi sila kukuha sa supply para sa publiko at kabilang sa opsyon ang mga ilog at maging ang tubig mula sa dagat.
Inireklamo naman ni Capas, Tarlac Mayor Roseller Rodriguez na hindi nagkaroon ng konsultasyon na ginawa at blangko sila sa proyekto kaya nangako ang BCDA na magkakaroon ng dayalogo sa lahat ng apektado sa buong Tarlac.
Sa 2027 inaasahang sisimulan ang pagtatayo ng planta at sa 2028 magkakaroon ng locator na nasa manufacturing center.
