dzme1530.ph

ALAMIN ANG POSIBLENG EPEKTO SA KALUSUGAN NG BITAK O GASGAS SA NON-STICK PAN

Loading

 Pinag-iingat ang publiko sa paggamit ng mga non-stick pan na may bitak, gasgas, o nagbabalat na coating dahil posibleng makahalo sa pagkain ang maliliit na pira-piraso ng material na pantakip nito.
 
Karamihan sa mga non-stick pan ay gumagamit ng polytetrafluoroethylene o PTFE, isang materyal na nakatutulong upang hindi dumikit ang pagkain sa kawali.
 
Ayon sa mga pag-aaral, kapag nasira ang coating, posibleng makalunok ng maliliit na particles na humiwalay mula sa ibabaw ng kawali. Bagama’t ang pagkakalunok ng kaunting PTFE particles ay hindi karaniwang itinuturing na nagdudulot ng agarang pagkalason, mas mainam pa ring iwasan ang paggamit ng mga kawaling may sira.
 
Mas nagiging delikado naman ang non-stick pan kapag naiinit nang sobra, lalo na kung walang laman. Sa mataas na temperatura, posibleng maglabas ito ng usok na maaaring magdulot ng polymer fume fever, na kinikitaan ng mga sintomas gaya ng lagnat, panginginig, ubo, at pananakit ng ulo.
 
Upang maiwasan ang posibleng panganib, inirerekomenda ang pagpapalit ng non-stick pan na may malalim na gasgas, bitak, o nagbabalat na coating.
 
Pinapayuhan din ang publiko na sundin ang tamang temperatura sa pagluluto, iwasang painitin nang walang laman ang kawali, at gumamit ng kahoy o silicone na sandok sa halip na metal utensils.
 
Hindi lahat ng non-stick cookware ay mapanganib, ngunit mahalagang panatilihing nasa maayos na kondisyon ang mga gamit.=

About The Author