![]()
ITINUTURING na malaking kasinungalingan nina Senadors Erwin Tulfo at Vicente Tito Sotto III ang naging alegasyon ng mga dating sundalo na nadeliveran sila ng male-maletang pera sa kanila.
Sinabi ni Tulfo na sa sobrang daming kasinungalingan ay mismong ang dating sundalo ay litong-lito.
Tinukoy ng senador na sa unang pahayag, sinabi na anim na medium-sized na maleta ng pera ang dineliver sa kanya subalit sa pagdinig kanina ay sinabing dalawa at anim na maleta ang dinala.
Maging sa halagang nilalaman ng mga maleta aniya ay nagkagulo-gulo na ang dating sinabi — kapag small, ₱15 million hanggang ₱25 million ang laman subalit ngayon ay ₱20 million hanggang ₱25 million.
Samantalang sa medium, ₱30 million hanggang ₱40 million sa affidavit, pero ₱40 million hanggang ₱50 million naman ngayon.
Kapansin-pansin din na piling pangalan lang ang mga binanggit kahit na sa una nilang affidavit ay marami ang idinawit nila.
Tanong ng senador kung ito ba ang tinatawag na impartial investigation na kapag kaalyado ay ligtas ka, kapag tagapagtuligsa ay delikado ka.
Hindi na aniya ito isang simpleng imbestigasyon, ito ay isang malinaw at planadong propaganda laban sa kanyang pagkatao at reputasyon.
Pahayag pa ni Tulfo na walang puwang sa Senado ang mga fake news at trolls kaya sana ay nag-FB Live na lang sila.
Samantala, binanggit ni Sotto na hindi pa siya senador noong 2022 hanggang 2025 o sa panahong sinasabing dinalhan siya ng pera, bukod pa sa staff na binanggit ay namatay na noon pang 2015.
Nanindigan naman ang SB11 plus 1 na bogus ang ginawang hearing ng Cayetano bloc Blue Ribbon na naglalayong destabilisasyon.
